Patay ang anim na miyembro umano ng isang robbery-carnapping group na sangkot sa mga nakawan sa Kamaynilaan at iba pang malapit na lalawigan matapos silang makipagbarilan sa mga pulis sa Antipolo City, Rizal.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing una munang nakipagputukan ang mga suspek sa mga pulis sa isang gasolinahan sa Sitio Boso-Boso.

Matapos nito, nakorner ang mga suspek sa madilim na pakurbang kalsada ng Marilaque Highway sa Brgy. San Jose higit isang kilometro ang layo.

Bumulagta sila matapos makabarilan ang PNP-Highway Patrol Group at Rizal Police bandang 1:30 a.m.

Sa damuhan na natagpuan ang katawan ng isa sa mga salarin dahil nagtangka pa umanong tumakas.

Anim na baril ang narekober mula sa kanila, at hindi bababa sa 20 basyo ng bala ang nakuha sa incident scene.

Tinamaan ng bala ang isang pulis, pero nakaligtas dahil sa suot niyang bulletproof vest. May tama rin ng bala ang sasakyan ng HPG.

Nasa pinangyarihan din ng krimen ang ginamit na sedan at motorsiklo ng mga suspek.

Sinabi ng HPG na sa ibang sasakyan nakarehistro ang plaka ng sedan.

Sinabi ng hepe ng Antipolo Police na sangkot sa pangho-holdup at pagnanakaw ng sasakyan sa Metro Manila, Bulacan, at Rizal ang mga napatay na suspek.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan nila. —LBG, GMA News