Inilunsad ng isang barangay ang proyekto ng pangongolekta ng mga residente ng kanilang basura kapalit ng pagkain sa isang barangay sa Davao City.

Sa ulat ni Sarah Hilomen-Velasco ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing matagal nang problema ng Brgy. Sasa ang walang maayos na waste disposal sa lugar.

Kaya naman sinimulan ng barangay ang proyektong "May Pagkain sa Basura" para tugunan ang problema nila sa basura.

Sa proyekto na tatlong buwan nang ipinapatupad, bibilhin ng barangay mula sa mga residente ang waste materials tulad ng plastic, kapalit ng bigas o grocery.

Katumbas ng dalawang kilo ng bigas ang limang kilong basura.

Matapos makolekta ang mga basura, diretso itong dadalhin sa kanilang waste processing facility para tunawin ang mga ito sa pamamagitan ng low-temperature pyrolysis equipment.

Isa itong teknolohiya mula pa sa bansang Japan, na hindi ginagamitan ng kuryente o gas, at walang ibinubugang usok o mabahong amoy.

Sa halip, magiging ceramic ash ang mga basura na maaaring pampataba ng lupa o wood vinegar na pwedeng gamitin bilang insect repellent. --Jamil Santos/FRJ, GMA News