Nahuli sa CCTV ang pamamaril ng isang lalaki sa guwardiyang naka-duty sa isang subdivision sa Lipa City, Batangas.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, makikitang may dumating na lalaking sakay ng motorsiklo at kinausap ang biktimang si Arnold Dela Cruz.
Ilang sandali ang nakalipas, pumasok sa gate ang guwardiya at sinundan siya ng lalaki.

Nang makapasok sa gate nagsimulang pagbabarilin ng lalaki ang guwardya pero tila ginantihan siya ng biktima kaya umiwas din ito.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek habang namatay naman sa tama ng bala ang biktima.

Iniimbistigahan pa kung sino ang salarin at kung may kinalaman sa trabaho ng biktima ang motibo sa krimen.  —Sherylin Untalan/KBK, GMA News