Inilahad ng local Disaster Risk Reduction and Management Office na 90 porsyento sa mga kabahayan sa Olango Island ang winasak ng bagyong "Odette." Ang nasa 40,000 residente ng isla, humihingi ng tulong.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing ipinaabot sa GMA Regional TV ang isang mensahe sa pamamagitan ni First Vice President Oliver Victor Amoroso, na wala pang natatanggap na ayuda ang mga nasalantang residente ng isla anim na araw mula nang manalasa ang bagyo.
Nawasak din ang Angasil Port sa Cebu, kaya pahirapan sa mga pasahero ang pagsakay at pagbaba sa mga motor banca at fast craft dahil kailangan pa nilang dumaan sa tubig dagat.
Ang Angasil Port ang isa sa mga daungan ng mga patungo at galing sa Olango Island.
Mag-iisang oras nang nakatengga sa Angasil Port ang mga bigas na ibebenta ng isang pamilya sa Barangay Santa Rosa sa Olango Island.
Tumanggi namang magbuhat ang mga kargador dahil sa mga matutulis at madudulas na bato mula sa nasirang pantalan.
Sinabi ni San Vicente Barangay Cyrus Eyas na lalong naghihirap ang mga residente sa Olango Island dahil kalbaryo at pahirapan ang paghahakot ng mga supply tulad ng pagkain.
Nananawagan ang mga residente ng dagdag na ayuda dahil paubos na ang relief goods na ipinamahagi ng lokal na pamahalaan bago manalasa ang bagyo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
