Nakaladkad ng truck at nasawi ang isang motorcycle rider matapos niyang tangkain na unahan ang truck na nakadisgrasya sa kaniya sa Candon City, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nangyari ang sakuna sa national highway ng San Nicolas ng nasabing lungsod.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikita ang pagdaan ng truck at kasunod ang motorsiklo ng biktima.
Ayon sa pulisya, nag-overtake ang motorsiklo sa truck pero may nakasalubong siyang delivery van sa kabilang linya ng kalsada.
Nagtangkang bumalik ang rider sa dati niyang linya ng kalsada pero tumama siya sa hulihang bahagi ng van.
Sa kasamaang palad, natumba ang rider sa gilid ng truck na tinangka niyang unahan. Doon na nakaladkad ng ilang metro ang biktima.
Sa tindi ng pinsalang tinamo, nasawi ang rider.
Sinabi ni Police Lieutenant Randy Arellano, hepe ng Candon City Police, wala umanong helmet at medyo nakainom ng alak ang biktima nang mangyari ang insidente.
--FRJ, GMA News
