Walang damit at inilagay sa sako nang makita ang bangkay ng isang batang babae sa isang bangin sa Itogon, Benguet. Ang suspek, nahuli-cam habang may pasan na sako na pinaniniwalaang bangkay ng biktima ang laman.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional Tv "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa bangin na may lalim na 50 metro sa Barangay Ampucao, na nasasakupan ng Philex Mining Corp.

Ayon sa pulisya, katuwang sa paghanap sa biktima ang pamilya ng bata, mga residente, at security personnel ng minahan.

Huli umanong nakitang buhay ang bata na naliligo sa pampublikong paliguan.

Ayon kay Police Major Matthew Burgos, hepe ng Itogon police, kinabukasan ng 9:00 am, nakita na ang bangkay ng biktima.

Nakita naman sa kuha ng CCTV ang isang lalaki na may pasan-pasan na sako at kahina-hinala umano ang kilos.

Pinaniniwalaan na ang bangkay ng bata ang nakalagay sa sako na itinapon sa bangin.

Naaresto ang suspek at nasa kostudiya ng mga pulisya.

Nakita umano sa cellphone ng suspek na kinuhanan nito ng video ang biktima habang naliligo.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso.

— FRJ, GMA News