Lima ang sugatan nang magka-engkuwentro ang mga pulis at mga suspek sa Cotabato City nitong Martes ng gabi.

Kabilang sa mga nasugatan ang hepe ng Cotabato City Police Station 2, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Rumesponde raw ang mga pulis matapos makatanggap ng ulat na may binaril umano na dalawang lalaki sa Rosary Heights IX dahil daw sa away tungkol sa online game.

Natunton ng mga pulis ang mga suspek pero bago pa sila makababa ng sasakyan ay pinaulanan umano sila ng bala ng mga suspek.

Gumanti ng putok ang mga pulis.

Sampu ang mga suspek na naaresto at sila ay dinala na sa himpilan ng pulisya para sa imbestigasyon. —KG, GMA News