Isinuko ng mga mangingisda sa mga awtoridad ang limang bloke ng cocaine na nakalagay sa selyadong plastik at nakita nila sa karagatan ng Cagayan habang nangingisda sila noong Lunes at Martes.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing may tatak ang lalagyan ng ilegal na droga na nakita sa karagatan na bahagi ng Appari, Cagayan.
Ayon kay Cristy Silvan, Assistant Regional Director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-Region2), ang logo na nakita sa bloke ng cocaine ay isang football association na nakabase sa Colombia.
Ngunit hindi pa masabi ni Salvan kung talagang naggaling sa Colombia ang mga ilegal na droga dahil patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.
Hinala ng mga awtoridad, posibleng may iba pang bloke ng cocaine ang hindi pa nakikita o nakita ng mga mangingisda pero hindi nila isinusuko.
Kaya naman nag-alok si Cagayan Governor Manny Mamba ng P200,000 sa mga magsusuko o magbibigay ng impormasyon tungkol sa mga droga na napadpad sa kanilang lalawigan.
"Siguro mayroon din na nakakuha na mga fisherman din baka hindi nila tine-turnover. We offer something para they turnover to us or maybe kung mayroon silang alam na mga gumawa nito we can get some information," anang gobernador.
Hinihinala rin ni Mamba na mga local drug lord ang may pakana ng shipment ng droga para makapangalap ng pondo sa mga kandidatong politiko.
Gayunpaman, sinabi ni Salvan na wala pa silang natatanggap na impormasyon na nagsasabing galing sa mga local drug lord ang nakitang mga cocaine.--FRJ, GMA News
