Isang ambulansiya na magdadala sa ospital ng isang buntis na manganganak na ang nabangga ng isang pick-up truck sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang salpukan ng dalawang sasakyan sa isang panulukan sa Barangay Nalsian.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing galing ng Malasiqui ang ambulansiya nang mabangga ito ng pick-up truck.

Nagtamo ng pinsala sa harapan ang dalawang sasakyan, pero walang nasaktan sa kanilang mga sakay.

Kaagad ding nadala ang manganganak na ginang sa ospital, na nasa mabuti nang kalagayan.

Nakatakdang mag-usap ang mga driver ng dalawang sasakyan. --FRJ, GMA News