Nakita na ngayong Miyerkules ng umaga ang mga katawan ng tatlo pang bata na nalunod matapos maligo sa Taal Lake nitong Martes.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, Captain Vic Acosta, komandante ng Philippine Coast Guard sa Batangas, nakita ang dalawang bata dakong 7:45 a.m., habang 10 a.m. naman nahanap ang ikatlong biktima.
"Sa kasamaang palad wala tayong na-revive," ani Acosta. "Lahat po ay lifeless na po."
Tinataya ni Acosta na anim hanggang walo lang ang edad ng mga bata.
Una nang natagpuan nitong Martes ang mga katawan ng dalawa pang batang nalunod na sina Sherin Ashtrid Dela Rosa, 8, at Jamie Rose Ann Jacutan, 12.
"Allegedly base sa statement, 'yung isa biglang nalunod, tapos yung isa tinulungan sagipin hanggang sa lima silang nadisgrasya," ayon kay Acosta tungkol sa dahilan nang nangyaring trahediya.—FRJ, GMA News
