Patay ang dalawang rider nang magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo sa Zarraga, Iloilo. Sa kuha ng CCTV camera, aakalain na sa multi-cab bumangga ang isang rider dahil sa bilis ng mga pangyayari.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV camera na nasa makabilang linya ng kalsada sa highway ng Barangay Jalaud Norte ang magkasalubong na motorsiklo at puting multi-cab.

Nang magkatapat ang dalawang sasakyan, biglang tumilapon ang motorsiklo na kasalubong ng multi-cab.

Pero hindi pala sa multi-cam sumalpok ang motorsiklo kung hindi sa isa ring motosiklo na nagtangkang mag-overtake sa multi-cab.

Parehong tumilapon ang dalawang rider at naiwang nakahandusay sa kalsada.

Ayon sa ulat, kapuwa idineklarang dead on arrival sa ospital dahil sa pinsalang tinamo sa ulo at katawan ang dalawang rider na sina Leorin Busil, 40- anyos at Domer Yurong, 28-anyos.

Sinabi ng pulisya na posibleng hindi nakita ni Busil ang kasalubong na motorsiklo nang mag-ovetake ito sa multi-cab.

Pareho rin umanong nakainom ng alak ang dalawang rider, ayon sa pulisya.--FRJ, GMA News