Patay ang isang anim na taong gulang na batang lalaki matapos umanong aksidenteng mabaril ng kaniyang pinsan na 13-anyos habang naglalaro sila sa kanilang bahay sa Umingan, Pangasinan.

Ayon sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa loob ng bahay sa Barangay Don Montano.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalaro ang magpansin nang makita raw ng 13-anyos na binatilyo ang baril na nasa itaas ng kabinet.

"Kinalabit ng bata, accidentally tinamaan yung kaniyang pinsan. Na-shock daw yung pinsan niya na nakabaril. So ni-report daw niya ito sa mama niya, halos hindi nga siya makapagsalita," ayon kay  Police Leiutenant Socorro Arciaga, Deputy Chief ng Umingan Police Station.

Inakala umano ng binatilyo na laruan lang ang baril na magmamay-ari ng ama ng biktima na namayapa na.

Isinugod ang biktima sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.

Isinuko naman ng mga magulang ang kanilang binatilyong anak at dinala sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development Office.

Nagkaroon umano ng trauma ang binatilyo at halos hindi makausap dahil sa nangyaring trahediya.

Sinusubukan pa na makuha ang pahayag ng pamilya ng biktima at ang pamilya ng binatilyo, ayon sa ulat.

Pinayuhan naman ng awtoridad ang publiko na ipagbigay-alam sa kanila kung mayroong loose firearms sa kanilang bahay para maiwasan ang mga katulad na insidente.--FRJ, GMA News