Isang babae na dalawang-taong-gulang ang namatay matapos pagsusuntukin ng kaniyang amain na nagising sa ingay umano ng bata sa Bauan, La Union.

Sa ulat ni Tere Sundayon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na unang sinabi ng suspek na stepfather na nahulog umano ang bata kaya dinala sa ospital at doon binawian ng buhay.

Pero nagduda ang mga awtoridad sa pahayag ng suspek kaya isinailalim sa awtopsiya ang mga labi ng bata at doon nakita ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito.

Kinalaunan ay sumuko rin ang suspek at inamin na limang beses niyang sinuntok sa tiyan ang bata dahil nagising siya sa ingay nito.

Hindi naman matanggap ng tunay na ama ng bata ang sinapit na kamatayan ng kaniyang anak.

Ayon naman sa mga kaanak ng biktima, maalaga at malambing naman daw ang suspek kaya hindi nila inakala na magagawa nitong patayin ang bata.

Iniutos na umano ng piskalya na magkaroon ng premilinary investigation sa naturang kaso. --FRJ, GMA News