Tatlong magkakaanak ang nasawi nang masalpok ng 12-wheeler truck ang kanilang kotse sa Nasugbu, Batangas. Ang driver ng truck, patay din.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, sinabing tila nayuping lata ang kotse ng mga biktima sa tindi ng tinamong pinsala sa banggaan.
Kinilala ang mga nasawing magkakaanak na sina Rronald Adrias, Rochelle Dimaano at Rachelle Ann Dimaano.
Nasawi rin ang driver ng truck na si Hilarion Condes at nasugatan ang kaniyang pahinante na si Rolando Recto.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na galing Tuy, Batangas ang mga biktima at papuntang Maynila nang banggain sila ang truck na nawalan umano ng preno habang papunta sa Lian para magdeliber ng uling.
"Itong truck, nawalan na ito ng preno mula pa sa taas. So actually may binangga na siyang isa doon na wala namang nasaktan. At nung magkarron tayo ng kurbada, doon na na-ano yung Mazda [ng mga biktima]," sabi ni Police Leiutenant Colonel Jephte Banderado, hepe ng Nasugbo Police.
Itinuturing accident prone area umano ang lugar kaya hiniling na dapat malagyan pa ito ng ilaw. --FRJ, GMA News
