Isang mag-asawa na kapuwa 31-anyos ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang kotse sa General Trias City, Cavite.

Sa ulat ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Vincent at Marilyn Cabugnason, residente ng Sto. Tomas, Batangas.

 

 

Sakay ang dalawa ng Toyota Wigo nang pagbabarilin sila ng nakatakas na salarin sa Sitio Carapiohan sa Barangay Santiago sa General Trias City kaninang tanghali.

Nadala pa sa ospital ang mga biktima pero namatay din sila kinalaunan.

Kapuwa nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang mag-asawa.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang salarin at motibo sa krimen. --FRJ, GMA News