Napatay ng pulis ang isang lalaking nagwala umano at sinaksak ang kaniyang sariling pinsan sa San Pascual, Batangas.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Sabado ng umaga sa Barangay Ilat North sa nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na sakay umano ng minamanehong tricycle ang biktimang si Ambrocio Axalan, nang harangin siya ng kaniyang pinsan at suspek na si Rolly Axalan, 45-anyos.

Bumaba ng tricycle si Ambrocio para pakiusapan ang suspek na tumabi upang makadaan siya. Pero sa halip na sumunod, inundayan siya ng saksak ni Rolly.

Nataon naman na sakay ng kaniyang motorsiklo ang papasok na sa trabaho sa Bauan, Batangas si Patrolman Jonathan Wee Bacroyang, nang makita ang nangyayaring krimen.

Ayon kay Police Colonel Glicerio Cansilao, director, Batangas Police Provincial Office, batay sa natanggap niyang report, bumaba ng motorsiklo si Bacroyang para awatin ang suspek.

Pero sinugod umano si Rolly kaya napilitan ang pulis na paputukan ng baril ang suspek.

Parehong dinala sa ospital ang magpinsan at binawian ng buhay ang suspek dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Napag-alaman ng pulisya na may problema sa pag-iisip sa Rolly at madalas umanong gawin ang ginawa sa kaniyang pinsan.

Ayon sa ulat, patuloy na sinisikap na makuha ang panig ng kaanak ng suspek at ng biktima.

Sinabi naman ni Cansilao na, "Ayon sa report sa akin ng chief of police ng San Pascual Police station, area kung saan nangyari ang insidente ay kanilang nakausap itong pamilya, sila ay hindi na magrereklamo." --FRJ, GMA News