Patay ang anim na tao sa salpukan ng ambulansya at truck sa Sindangan, Zamboanga del Norte.

Batay sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabi sa Unang Balita na nagkasalpukan ang isang ambulansya at isang truck sa bayan ng Sindangan.

Ayon sa mga pulis, galing sa bayan ng Liloy ang ambulansya at papunta sana sa Dipolog City nang mabangga ng kasalubong na truck.

Nangyari ang insidente sa national highway sa Barangay Doña Josefa sa bayan ng Sindangan.

Nawalan umano ng preno ang truck kaya napunta sa kabilang lane ng kalsada.

Namatay ang lima sa mga sakay ng ambulansya. Nasawi rin ang driver ng ambulansya. 

Samantala, lima naman sa mga sakay ng ambulansya ang sugatan. —LBG, GMA News