Nasawi ang mag-live-in partner sa Laurel, Batangas matapos silang pagtatagain ng isang lalaki na sumugod sa kanilang bahay. 

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Jovencio Magsino, 71-anyos, at ang kinakasama niyang si Rodela Cajila, 39-anyos, ng Barangay Molinete ng nasabing bayan.

Sugatan naman ang anak ni Cajila na 15-anyos, at nagpapagaling na ngayon.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing sumugod ang suspek sa bahay ng mga biktima at biglang nanaga.

Kaagad na nasawi si Magsino, habang naisugod pa sa ospital si Cajila pero binawian din ng buhay habang ginagamot.

Naaresto naman kinalaunan ang suspek at narekober ang bolo na hinihinalang ginamit niya sa krimen. Hindi siya nagbigay ng pahayag.

Ayon kay Police Major Edgar Sumadsad, hepe ng Laurel Police station, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon upang malaman kung bakit pinatay ng suspek ang mga biktima.--FRJ, GMA News