Dalawang menor de edad na bibili lang ng ulam ang sinaksak ng mga kapuwa nila menor de edad sa Iloilo City.

Sa ulat ni Zen Quilantang sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nagtamo ng saksak sa likod at balikat ang mga biktima na nagpapagaling na sa ospital.

Napag-alaman sa kaanak ng mga biktima na bumibili lang ng ulam ang dalawa malapit sa isang gym sa Barangay Alalasan nang mangyari ang insidente.

Nanggaling umano sa gym ang anim na suspek at bigla na lang sinaksak ang mga biktima, na nakuhanan sa CCTV camera na tumatakbo.

Nagtamo ng sugat sa likod at balikat ang dalawa na kaagad dinala sa ospital.

Ayon sa opisyal ng barangay, hindi residente sa lugar ang mga suspek. Habang wala namang masamang record sa kanilang lugar ang dalawang biktima.

Nasa kostudiya na ng mga awtoridad ang mga suspek at nakatakda silang sampahan ng kaso, ayon sa ulat.—FRJ, GMA News