Nauwi sa pananaksak ng screwdriver ang ginawang pagsita sa isang lalaki na umihi sa nakaparadang tricycle sa Tiaong, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, sinabing nagpapagaling na ang 38-anyos na biktimang si Jessie Munoz, isang tricycle driver.

Naaresto naman ang suspek na kinilalang si Agosto Ocampo, 28-anyos, na tricycle driver din.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nakaparada sa terminal ang tricycle ni Munoz nang ihian umano ito ng lasing na si Ocampo.

Sinita ni Munoz si Ocampo sa ginawa nitong pag-ihi sa kaniyang tricycle pero ikinagalit ito ng suspek.

Sandali umanong umalis ang suspek at nagpunta sa kaniyang tricycle. Nang magbalik, armado na siya ng screwdriver at sinaksak ang biktima.

Ayon kay Police Leiutenant Marlon Cabatana, hepe ng Tiaong Police Station, nagtangkang umawat ang ibang taong nasa terminal pero naging mabilis umano ang pangyayari.

Nagtamo ng tama ng saksak sa binti ang biktima na stable naman ang kalagayan.

Naaresto ang suspek na nahaharap sa kasong frustrared homicide.

Sinusubukan pa siyang makuhanan ng pahayag at pati na ang biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News