Nakuhanan ng CCTV video ang pagkalunod ng isang lalaki sa swimming pool sa Miglanilla City sa Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing may team-building activity ang isang kumpanya sa isang resort sa Minglanilla City.

Sa video, makikitang tumalon sa pool ang isang lalaki na nakilalang si Claire Remocaldo.

Maya-maya pa, makikita na kumakampay siya at tila tinatangka niyang umahon.

Hindi siya napansin ng apat niyang kasamahan na malapit lang sa kanya.

Nalulunod na pala ang biktima.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, aabot sa 8 feet ang lalim ng bahagi ng swimming pool kung saan nalunod si Remocaldo.

Sinubukan umano ng lifeguard na iligtas ang lalaki pero nabigo ang pag-revive sa kanya.

Ayon sa lifeguard, mahigit 20 minuto nang nasa pool ang biktima bago siya mapansin ng mga kasamahan.

Pahayag ng isang may-ari ng resort, handa silang humarap sa imbestigasyon at tumulong sa gastusin sa pagpapalibing kay Remocaldo.

Pansamantalang suspendido  ang operasyon ng resort. —LBG, GMA News