Tumilapon ang isang 11-anyos na dalagita na tumatawid sa kalsada nang siya ay mahagip ng isang motorsiklo sa bayan ng Daraga sa Albay.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, makikita sa CCTV ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang pagtawid ng menor de edad sa kalye sa Barangay Sagpon.

Naiwasan ng dalagita na mahagip ng isang pickup truck, pero nang makarating na sa kabilang lane, tuluyan siyang nabangga ng motorsiklo.

Tumilapon ang biktima samantalang natumba naman ang motorsiklo.

Sinabi ng pulisya na hindi agad napansin ng rider ang 11-anyos na batang tumawid.

Agad isinugod sa ospital ang bata at ang rider na parehong nagtamo ng mga sugat sa katawan. —LBG, GMA News