Nasawi ang isang mag-asawang senior citizen sa Nueva Vizcaya matapos silang pagsasaksakin ng sarili nilang anak na nakararanas umano ng problema sa pag-iisip mula nang maaksidente.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Ruben Baltazar, 78-anyos, at asawa niyang si Nora, 75, ng Barangay Pampang sa bayan ng Kayapa.

Sugatan naman sa braso ang isa nilang anak na si Shaira, 26, na nagawang makatakas at makahingi ng tulong.

Nang dumating ang mga rumespondeng awtoridad, kusa umanong sumuko ang suspek na si Erib Baltazar, 28.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nakararanas umano ng problema sa pag-iisip ang suspek matapos na mabagok ang ulo nito dahil sa isang aksidente na nangyari ilang buwan na ang nakalilipas.

Mahaharap ang suspek sa kasong parricide at frustrated homicide.

Wala pang pahayag ang kaanak ng mga biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News