Bangkay na nang mahukay ang isang nawawalang ginang sa loteng pagmamay-ari nila ng kaniyang asawang Amerikano sa Valencia, Negros Oriental.

Person of interest na sa krimen ang Amerikano.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Maribel Glazier, na Hulyo 16 pa nawawala.

Lumabas sa imbestigasyon na laging nag-aaway ang biktima at ang asawa nitong si Daniel Lawrence Glazier, dahil sa pambababae umano ng mister.

Nagsabi na umano ang biktima sa kaniyang mga kaibigan na kung may mangyari man sa kaniya, walang ibang sisisihin kundi ang kaniyang asawa.

Hiniling din ng ginang sa mga kaibigan na kunin ang dalawa niyang anak na babae mula sa dayuhan.

 

Sa ulat ni Nikko Serreno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing unang napaulat na nawawala sa Dumaguete City ang 32-anyos na biktima, hanggang sa natagpuan siya sa bayan ng Valencia nitong Martes.

Base sa salaysay ng isang saksi, nakita niya si Glazier at isang babae na may pinagtulungang buhatin papasok sa property.

Kasalukuyang nawawala ang dayuhan at patuloy na tinutugis.

Hinahanda na ang reklamong murder laban sa dayuhan at petisyon para writ of habeas corpus ng mga kaanak ng biktima para mabawi ang kaniyang mga anak sa poder ng ama. —LBG, GMA News