Nahuli sa CCTV camera ang ginawang pagtangay ng isang kawatan sa panindang mga itlog sa isang tindahan sa Bacolod City.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Lunes, makikita sa video ang isang lalaki habang tila nagmamatyag sa harapan ng isang tindahan sa Burgos Public market sa Bacolod.

Nang makakuha ng tiyempo, lumapit ang lalaki sa tindahan. Kinuha niya ang limang tray na may lamang mga itlog at umalis na tila walang nangyari.

Mahigit P1,000 umano ang halaga ng mga itlog na tinangay ng lalaki.

Sa follow-up operation, nahuli ang kawatan. Pero pinalaya rin siya nang magpasya ang may-ari ng tindahan na huwag nang magsampa ng reklamo.

Sa Passi City, Iloilo, nahuli-cam naman ang pag-atake ng mga kawatan na armado ng baril sa isang mini-grocery store sa Barangay Bayan noong nakaraang linggo.

Natangay ng mga kawatan ang P20,000 cash at mga ilang paninda.--FRJ, GMA News