Patay ang isang babaeng senior citizen matapos na tangayin ito ng baha sa Dolores, Quezon nitong Linggo.

Nakuha ng mga awtoridad nitong Lunes ng umaga ang bangkay ng biktima sa isang ilog sa Barangay Sta. Lucia.

Unang naiulat na nawawala ang 69-anyos na biktima na taga-Makati City.

Nagsagawa agad ng search and rescue operation ang Bureau of Fire Protection, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at Philippine National Police.

Ayon kay Police Captain Arjon Oxina, hepe ng Dolores Municipal Police Station, dakong alas-dos ng hapon nitong Linggo nang maligo sa ilog ang biktimang nakilalang si Vicenta Castillo.

Bigla na lang daw itong tinangay ng malakas na pagragasa ng tubig sa ilog dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Naipaalam na ng PNP sa pamilya ng biktima ang sinapit nito noong Linggo. —KG, GMA News