Kalunos-lunos ang sinapit ng magkapatid na bata na edad lima at anim matapos silang pagsasaksakin at patayin ng lalaking nanloob sa kanilang bahay sa Cagayan. Ang kanilang lola, sugatan.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang krimen sa Sta. Teresita, Cagayan, at dating katiwala ng mga biktima sa sakahan ang suspek na si Gerry Genova.

Sugatan naman ang lola ng magkapatid na si Evelyn Perez, 64-anyos.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakarinig ng ingay sa kusina ng bahay si Perez nang gabing mangyari ang krimen.

Lumabas ng kuwarto si Perez para isara ang pinto sa kusina. Pero pagbalik niya sa kuwarto, nandoon na umano si Genova, at pinagsasaksak ang matanda.

Nang magising ang isang bata, pinagbalingan ito ng suspek at pinagsaksak din. Sunod niyang pinagsasaksak ang natutulog na kapatid ng bata.

Itinali rin ni Genova ang nanghihinang si Perez at saka tumakas dala ang pera at mga alahas ng biktima.

Sa isinagawang hot pursuit operation ang mga awtoridad, naaresto nila si Genova bitbit ang isang sling bag na naglalaman ng mga kinulimbat na alahas.

Napag-alaman ng mga awtoridad mula sa kinakasama ng suspek na may problema sa pera si Genova kaya nilooban ang dating pinapasukan niya.

Sinampahan ng patong-patong na kaso ang suspek na nagtamo ng tama ng bala sa puwet nang arestuhin kaya dinala rin sa ospital. --FRJ, GMA News