Walang kawala sa mga kabaro niyang pulis ang isang pulis na nahuli-cam na tumangay sa nakaparadang motorsiklo ng isang kapitan ng barangay sa Pototan, Iloilo.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Police Corporal Darryl Dumaraog, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion sa Region 6.

Sa kuha ng CCTV camera sa plaza, makikita ang suspek habang nakaupo sa nakaparadang motorsiklo ni Lopez Jaena Ward chairman Nicky Pescuela.

Hindi nagtagal, pinaandar ni Dumaraog ang motorsiklo at umalis.

Pero dahil sa CCTV at mga nakasaksi, natukoy ang pagkakakilanlan ni Dumaraog at inaresto.

Ayon sa pulisya, nang i-post sa social media ang pagkakadakip kay Dumaraog, may iba pang nagtungo sa presinto na nagpakilalang nabiktima rin ng pulis.

Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa reklamong carnapping. Hindi siya nagbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News