Kahit nasa loob ng silid-aralan, tinangka umano ng isang lalaki na isama ang isang babaeng Grade 4 pupil sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa loob ng Camp Tinio Elementary School.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakuhanan ng CCTV camera sa paaralan ang suspek na naglalakad papasok sa paaralan.

Nakapasok ang suspek sa paaralan sa pamamagitan ng pagdaan sa gate na nasa likod ng paaralan.

Mag-isa lang sa silid-aralan ang walong-taong-gulang na mag-aaral nang pumasok ang suspek at nagpakilalang ama niya.

Ayon kay Police Major Vladimir Dela Cruz, Officer in Charge, Cabanatuan City Police station, isinasama umano ng suspek ang bata para umuwi.

Pero umalma ang bata at hindi sumama kaya umalis ang suspek at umalis ng paaralan.

Positibong kinilala ang bata ang suspek na nakuhanan sa CCTV camera.

Dahil sa trauma, tumanggi raw ang bata na pumasok sa eskuwelahan.

Pinaigting naman ng barangay at pamunuan ang paaralan ang kanilang pagbabantay at seguridad.

Tinutukoy at hinahanap ng mga pulis ang suspek.--FRJ, GMA News