Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang 30-anyos na babae na nakasakay sa likod ng tricycle sa Tanauan City, Batangas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," kinilala ang biktima na si Keesha Anne Pamplona.

Ayon sa ina ng biktima na si Emma, papasok sa trabaho ang kaniyang anak noong Huwebes ng umaga nang barilin ito sa Barangay Santor.

"Bakit ang anak ko?," hinanakit ni Emma.

Ayon sa pulisya, posibleng planado at sinundan ng salarin na sakay ng motorsiklo ang biktima nang sumakay sa tricycle.

Nang makakuha ng tiyempo ang salarin, malapitang binaril sa ulo ang biktima.

Palaisipan naman sa mga magulang ang motibo sa krimen dahil mabait at palakaibigan daw ang kanilang anak.

Hinihinala naman ng pulisya na posibleng personal na away o crime of passion ang motibo sa krimen. Patuloy ang kanilang imbestigasyon para madakip ang salarin.--FRJ, GMA News