Kahit may tama na at nakadapa, binaril pa rin sa ulo ng salarin ang isang ginang na sakay ng motorsiklo na kanilang hinabol sa Pangasinan.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ernalyn Sotelo, na pinagbabaril sa diversion road sa Barangay Bued sa Calasiao, Pangasinan.

Ayon kay Police Leiutenant Colonel Junmar Gonzales, hepe ng Calasiao police, nakaangkas ang biktima sa motorsiklo na minamaneho ng kaniyang mister nang mangyari ang krimen.

May indikasyon umano na nagkaroon pa ng habulan batay sa pagkalat ng dugo at magkakalayo ang basyo ng bala na nakita sa pinangyarihan ng insidente.

Nagtamo ng walong tama ng bala ang biktima, pati na ang tama sa ulo na ipinutok umano ng salarin kahit nakadapa na ang ginang.

Hindi naman sinaktan ang mister ng biktima, na hindi na nagbigay ng pahayag.

Inaalam ng mga awtoridad kung kaso ng mistaken identity ang krimen.

Mayroon na umano silang person of interest. --FRJ, GMA News