Nasawi ang magkasintahan na plano na umanong magpakasal, pati ang batang kapatid ng lalaki, nang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang Tamaraw FX sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Aldrin Hora, 18-ayons, kapatid niyang si Angielyn, 7, at nobya nitong si Ellaine Brizuela, 18.

Sakay ang tatlo ng isang motorsiklo nang masalpok sila ng AUV sa Barangay Patalac.

Kaagad umanong nasawi ang magkasintahan, habang sa ospital na binawian ng buhay si Angielyn.

Ayon sa nagdadalamhating si Mary Joy, ina ng magkapatid na biktima, nakatakda na raw sanang magpakasal ng kaniyang anak na si Aldrin at nobya nitong si Ellaine.

Sumuko naman sa mga awtoridad ang driver ng sasakyan na nakabangga sa mga biktima.

Mahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property.--FRJ, GMA Integrated News