Tatlo katao ang sugatan, kabilang ang isang driver na naipit sa sasakyan, nang magsalpukan sa Sariaya, Quezon ang isang kotse at isang pick-up truck nitong Lunes.

Batay sa ulat ng Sariaya Municipal Police Station, nangyari ang sakuna dakong 1:00 pm sa Sariaya Bypass Road.

Lumitaw sa paunang imbestigasyon na patungong Bicol ang tatlong nakasakay sa kotse na nanggaling sa Maynila, habang patungo naman sa Maynila ang pick-up truck.

Sa lakas ng banggaan, nawasak ang unahang bahagi ng pick-up truck. Nawasak din ang kotse at nahulog pa sa gilid ng highway.

Naging pahirapan ang pagsagip sa driver ng kotse dahil sa pagkakaipit nito.

Inaalam na ng pulisya ang dahilan ng banggaan habang dinala sa pagamutan ang mga nasugatan, kabilang ang nakasakay sa pick-up truck.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA Integrated News