Nasawi sa tinamong mga saksak sa katawan ang isang 26-anyos na guro sa loob ng isang motel sa Taal, Batangas. Ang suspek, kasama umanong pumasok ng biktima sa establisimyento.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Arvin Aldover, residente ng Batangas City.

Nahuli naman sa follow-up operation ng kapulisan ang suspek na si Arnel Jareno, 31-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, 6:00 pm umano nitong Linggo nang mag-check in sa motel ang suspek at biktima.

Nang makarinig umano ang mga tauhan ng motel na may humihingi ng tulong sa kuwarto ng dalawa, kinatok nila ito. Bumungad umano sa mga tauhan ng motel ang duguang suspek na tumakbo palabas, habang nakita naman ang duguang katawan ng biktima sa loob ng banyo.

Ayon kay Police Major Dante Majadas, hepe ng Taal Municipal Police Station, posibleng nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa na humantong sa krimen.

Nakita ang suspek sa madamong lugar na tinatayang 30 hanggang 40 metro ang layo sa motel na nakasubsob at parang walang malay na maaaring dulot umano ng tinamo nitong sugat.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa reklamong murder. Samantalang sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News