Nabundol at pumailalim sa dump truck ang isang 79-anyos na lola nang tumawid siya sa kalsada sa Lucena City, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Rebecca Sumadsad.

Ayon sa pulisya, galing sa isang mall sa Barangay Ibabang Dupay ang biktima at tumawid sa highway nang mahagip siya ng truck na minamaneho ni Danny Ordevilla.

Nabundol ng truck-- na hindi naman daw kabilisan ang andar-- ang biktima, at saka pumailalim at nahagip ng gulong sa hulihan.

Paliwanag ng Ordevilla, hindi niya napansin ang pagtawid ng biktima na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo na dahilan ng agad nitong pagkamatay.

Nasa kostudiya ng pulisya ang Ordevilla, na sinisikap pang mahingan ng pahayag, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News