Ilang residente ang nakulong sa kanilang mga bahay dahil sa baha at biglaang malakas na pag-ulan sa Bagumbayan, Sultan Kudarat, sa gitna ng panahon tag-init sa bansa. 

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nahirapang lumikas ang ilang residente dahil sa mataas na baha Huwebes ng gabi.

Nasira rin ang isang bahay dahil sa rumaragasang tubig.

Hindi nakapaghanda ang mga residente sa malakas na ulan at baha dahil mainit ang panahon noong maghapon.

Huminto rin ang ulan makalipas ang isang oras.

Humupa rin naman ang baha, at walang naitalang nasaktan o nasawi. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News