Nasawi ang hepe ng Tubao Municipal Police station sa La Union matapos bumangga sa SUV ang minamaneho niyang kotse.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawi na si Police Major John Maynard Macusi.

Nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Guinabang sa bayan ng Bacnotan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol sa manibela si Macusi at bumangga ang kotse nito sa kasalubong na SUV.

Nasugatan ang tatlong sakay ng SUV pero maayos na ang kanilang kalagayan.

Nagpaabot na ng pakikiramay sa mga naulila ni Macusi ang Police Regional Office 1.--FRJ, GMA Integrated News