Dalawa katao ang isinugod sa pagamutan matapos mahulog sa bangin ang isang pick-up truck sa Tagkawayan, Quezon, nitong Biyernes Santo ng umaga.

Ayon sa Tagkawayan Municipal Police Station, nakahinto sa gilid ng highway sa Barangay San Vicente ang truck nang salpukin ito ng isang pampasaherong bus dakong 3:30 a.m.

Patungong Tagkawayan ang bus habang papuntang Bicol naman ang pick-up truck mula Cavite.

Inaantok daw ang driver ng bus dahilan para masalpok ang pick-up truck.

May taas na higit isang poste ng kuryente ang bangin kung saan nahulog ang pick-up truck.

Ngayong umaga nakatakdang mag-usap ang may-ari pick-up truck at ang pamunuan ng bus company.

Nasa kustodiya ng mga pulis ang driver ng pampasaherong bus. —Peewee C. Bacuño/KBK, GMA News