Arestado ang isang pulis matapos bugbugin ang kaniyang karelasyon at binunutan pa ng baril sa Kidapawan City, Cotabato.

Kinilala ang pulis na si Police Corporal Louie Jay Lumancas, nakadestino sa Magpet Municipal Police Station, ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes.

Nag-viral sa social media ang video na makikita ang ginagawa niyang pananakit sa kaniyang kinakasama.

Nakakulong si Lumancas sa Kidapawan City Police Station, na nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 9262 o Violence Against Women and Children (VAWC).

Samantala, nagpapagaling naman sa ospital ang kaniyang kinakasama dahil sa mga tinamong sugat at pasa.

Base sa imbestigasyon, nalaman na nag-away ang dalawa bago pumunta ang biktima sa party ng isang kaibigan noong Martes ng gabi.

“Nasundan siya ng kanyang live in partner sa party parang nagtago siya sa loob ng banyo. Tapos kinuha siya ng kanyang live in partner, binugbog sa labas ng bahay ng kanyang kaibigan at doon din nangyari yung viral video na nakikita nating kumakalat sa internet,” ayon kay PNP-WCPC Police Colonel Portia Manalad.

Pinag-aaralan na rin na sampahan si Lumancas ng kasong administratibo tulad ng grave misconduct.

“Puwede siyang ma-dismiss administratively, so automatic na yun nakita naman natin lahat yung ginawa niya. Hindi ito inaa-allow ng aming leadership sa PNP, yung mga ganitong violation,” ayon kay Manalad.

Posible rin umanong madagdagan ang administratibong kaso ng pulis dahil sa ginawa nilang paglabas ng baril nang saktan ang biktima.

“Mayroon pang iba na kaso na maaaring makasama doon sa kaso niya ngayon. Sa amin ang sakop namin yung pang-aabusong ginawa kahit walang baril na nilabas siya, nakita namin is para kasuhan siya,” dagdag ni Manalad.

Hinikayat ni Manalad na magsumbong sa pulisya ang mga makararanas ng pananakit.--Richa Allyssa Noriega/FRJ, GMA Integrated News