Patay na nang datnan ng mga awtoridad ang isang 48-anyos na lalaki sa loob ng isang bahay sa Infanta, Quezon, matapos umanong pagtulungang sakalin ng apat niyang kainuman gamit ang extension wire.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Alex Recome, isang construction worker sa Barangay Magsaysay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kasama umano ng biktima ang apat na kabarangay na nag-inuman sa isang bahay.

"Habang nag-iinuman ang biktima at ang mga suspek ay nagkapikunan. Nagkaroon ng usapin sila na pinagtalunan. Pinalo muna siya ng bote kaya medyo nawalan na rin talaga siya ng lakas," ayon kay Police Major Fernando Credo, hepe ng Infanta Police Station.

Ayon sa saksi, umalis siya at nagsumbong sa mga awtoridad nang makitang may hawak na patalim ang isa pa sa mga kainuman ng biktima.

Nang balikan nila ang lugar kasama ang mga pulis, patay na ang biktima at may nakapalupot na mga extension wire sa leeg nito.

Hinahanap na ng mga awtoridad ang apat na suspek.-- FRJ, GMA Integrated News