Nagmamadaling bumalik sa kanilang pinanggalingan ang ilang motorista nang makita nila ang pagguho ng lupa sa gilid ng highway sa Arakan, Cotabato. Sa pagmamadali ng isang rider, iniwan na niya ang kaniyang motorsiklo.
Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Doroluman noong Biyernes.
Ayon sa Information Officer, Arakan-LGU, mapalad na walang nasawi o nasaktan sa nangyaring landslide na bunsod umano ng malakas na pag-ulan sa lugar.
Aniya, may isang SUV na nauna nang nakatawid at muntikan nang abutin ng pagguho ng lupa.
"Sa kabutihang palad naman, nakalampas yung dumaan. Mayroong kaunting tinamaan yung likod ng isang SUV pero hindi naman masyadong nasira," ani Reovoca.
"At saka walang nasaktan na tao. Yung mga dumaan doon, noong nakita nilang medyo kumikilos yung lupa, kaagad naman silang bumalik at nag-stay sa safe na lugar," dagdag pa niya.
Ilang oras umanong hindi nadaanan ang kalsada na kinailangang linisin at tumagal hanggang gabi noong Biyernes.
Ayon sa lokal na pamahalaan, lumambot ang lupa sa naturang bahagi ng lugar dahil na rin sa malakas na pag-ulan doon.
Itinuturing umanong landslide prone ang lugar kaya makikipag-ugnayan sila sa Department of Public Works and Highways para hindi na maulit ang insidente.--FRJ, GMA Integrated News
