Patay ang isang babae nang matagpuan sa isang hotel sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Nakilala ang biktima na si Jane Garay, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV ng hotel na ibinahagi ng Pagadian City Police Station, makikita ang paglapit ng babae sa front desk sa ikalawang palapag ng hotel.

Umalis ito at pagbalik ay may kasama na siyang lalaki.

Nang malapit na ang check-out time ay kinatok ng tauhan ng front desk ang kuwarto ng biktima at kasama nito ngunit walang nagbubukas ng pinto.

Dito na nila pinasok ang kuwarto at natagpuan ang babae na duguan at wala nang buhay.

May tatlo siyang saksak sa leeg at dibdib, ayon sa pulisya.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng lalaking kasama ng biktima na siyang itinuturong suspek sa pagkamatay nito. —KG, GMA Integrated News