Patay ang driver ng isang kotse nang bumangga ang kaniyang sasakyan sa steel bar sa national highway sa Libungan, Cotabato.
Sa ulat ng GTV news "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Sinawingan sa Libungan.
Sugatan naman ang dalawang sakay sa kotse, ayon sa mga awtoridad.
Base sa imbestigasyon, galing sa Cotabato City ang sasakyan at papunta sana sa Davao City nang mangyari ang aksidente.
Nakita umanong nagpagewang-gewang daw ang sasakyan sa highway at saka bumangga sa bakod, at ilang beses pang umikot.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng aksidente.--FRJ, GMA Integrated News
