Nakaligtas sa pananambang bagaman sugatan ang isang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City. Gayunman, nasawi ang kaniyang driver.
Sa ulat ni Abby Caballero sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, naisugod sa ospital ang General Services Officer ng Cotabato City LGU na si Pedro Tato Jr.
Nasawi naman ang kaniyang driver na si Dandy Anonat dahil sa mga tinamong tama ng bala.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing sakay ng pickup truck ang mga biktima papunta na trabaho nitong Martes ng umaga nang mangyari ang pananambang sa Rosary Heights.
Kalibre .45 na baril ang ginamit ng salarin na inabangan ang mga biktima.
Kahit may tama na, naitakbo pa ng mga biktima ang sasakyan sa malapit sa ospital.
Kinondena ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City ang pananambang at naglaan ng P300,000 na pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para matukoy ang mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News
