Isang tagasuporta ng nanalong barangay chairman ang nakitang nakahandusay sa gilid ng daan sa Bucay, Abra. Unang inakala na naaksidente lang ang biktima pero natuklasan kinalaunan na may tama siya ng bala ng baril sa ulo.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Silverio Lumaoig, 68-anyos, ng Barangay Pagala.

Ayon sa pulisya, nakita ang katawan ng biktima dakong 10:00 pm nitong Miyerkules na nakasubsob sa gilid ng kalsada sa tabi ng kaniyang motorsiklo.

Unang inakala ng mga nakakita na naaksidente lang ang biktima. Pero nang suriin, nakitang may tama siya ng bala sa ulo.

Lumilitaw sa imbestigasyon na pauwi na ang biktima nang mangyari ang krimen. Dakong 7:00 pm, umalis umano ito mula sa bahay ng nanalong barangay chairman.

Kasunod nito ay dumaan ang biktima sa mga kakilala at nakipag-inuman. Nakita ang kaniyang bangkay ilang metro lang ang layo sa bahay ng kaniyang kapatid.

Ang asawa ng biktima, wala raw alam na nakaalitan ni Laumaoig.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA Integrated News