Patay ang isang 26-anyos na babae at ang sanggol sa kaniyang sinapupunan matapos silang masagasaan ng isang wing van sa Danao City, Cebu

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya nitong Huwebes sa Barangay Looc sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa awtoridad, tumatawid ang biktima at pauwi na nang mahagip at magulungan ng wing van. Agad siyang binawian ng buhay ang ginang at ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.

Tinangka pa umano ng driver na tumakas pero hinabol siya ng mga pulis na malapit sa lugar at naaresto sa kalapit na bayan ng Carmen.

Ipinaliwanag naman umano ng driver na natakot siyang kuyugin ng mga tao kaya tinangka niyang tumakas. Nahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide .

Napag-alaman na patungong Leyte ang wing van para maghatid ng noodles.

Mayroon pang dalawang anak na naulila ang biktima.-- FRJ, GMA Integrated News