Pinagtataga hanggang sa mamatay ang isang lalaki sa loob ng banyo ng meat shop na kaniyang pinapasukan sa Lipa City, Batangas. Ang suspek sa krimen, ang kaniyang katrabaho.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa meat shop sa Barangay Kuwatro na hawak ng suspek ang biktima habang nasa ikalawang palapag sila ng establisimyento.

May dalawa pang lalaki na nasa ibaba naman ng meat shop na tila walang pakialam sa nangyaring krimen.

Makikita sa video na nakatakbo pa ang biktima sa banyo pero sinundan siya ng suspek at doon na nakita ang duguan niyang bangkay.

Magkakasama umanong umalis ang suspek at ang dalawang lalaki matapos ang krimen, ayon sa pulisya.

Lumitaw din sa imbestigasyon na magkakasama pa umanong nag-inuman ang apat nitong Linggo ng gabi.

"Hindi pa naman masiguro kung ano ang naging motive noong suspek. Kasi according doon sa boss ng mga empleyado, maayos naman daw yung relasyon nila. So wala din silang maisip na dahilan kung bakit nagawa ito ng suspek," ayon kay Police Captain Ricardo Cuevas, chief investigator ng Lipa city Police Station.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at pagtugis sa suspek.-- FRJ, GMA Integrated News