Huli sa dashcam video ang isang insidente ng 'bangga-higa' modus sa Cagayan de Oro City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Sa video na kuha sa CM Recto Avenue, makikita ang isang nakaputing lalaki na tumatawid ng kalsada.

Nang dumaan ang isang puting pickup ay bigla na lang natumba ang lalaki at nagpanggap na siya ay nabundol.

Ayon sa pulisya, modus ito para kotongan ng pera ang mga motorista. Pinaalalahanan ng mga otoridad ang mga motorista na maging alisto sa mga ganitong modus.

Nanawagan naman ang Philippine National Police sa driver ng truck na makipag-ugnayan sa kanila para mahuli ang suspek. —KBK, GMA Integrated News