Isang batang babae na dinukot umano ang nakitang walang damit pang itaas at duguan sa isang damuhan sa General Santos City. Ang biktima, nakitaan ng senyales na ginahasa.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isang residente ang nakakita sa batang babae na naglalakad sa damuhan.

Humingi sa kaniya ng tulong ang bata.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, inilahad ng tatay ng batang babae na nawala ang kaniyang anak noong sila ay natutulog.

Posible umanong may pumasok sa kanilang bahay at kinuha ang bata.

Base naman sa kuwento ng biktima, nakasuot ng maskara at sumbrero ang dumukot sa kaniya.

Nakitaan ng senyales na ginahasa ang bata sa inisyal na resulta ng kaniyang medical examination.

Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang bata. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News