Sugatan ang 15 estudyante matapos bumigay ang dinaraanan nilang tulay sa Camanitohan River sa Manito, Albay, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Biyernes.

Rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at ilang mga taga-barangay at dinala sa ospital ang mga estudyante.

Ayon sa mga taga-barangay, gawa sa bakal ang tulay at posible raw na kinakalawang na kaya bumigay.

Sa ngayon sa pamamagitan muna ng bangka tumatawid ng ilog ang mga residente ng lugar. —KBK, GMA Integrated News